coffeehan

Ang Ekstrang Kape

Lahat ng galit nagbalik sa akin. Sobrang mabigat sa dibdib. Hindi ko alam kung bakit hindi mabait sa akin ang tadhana pagdating sa kanya. Bakit sa lahat ng panahon, sa dami ng lugar, pareho pa kami ng pinuntahan ngayong araw. Hindi pa sapat na nakita ko siya, kasama nya pa talaga ang gf nya. Ayun sila nagjajogging sa Ayala Triangle habang kasama kong nagkakape ang dalawa kong kaibigan sa kolehiyo.

Sa unang pagkakataon nakita ko ang babaeng pinili niya kesa sa akin. Mahaba ang kulay mais na buhok, mapusyaw ang kulay ng balat, masasabi kong siya naman ay maganda, ngunit napansin kong may katabaan.

Mukha naman silang masaya. Grabe nga naman magbiro ang tadhana. Para bang nanadya. Ang mga iniyak ko ba ng halos isang taon ay balewala lang? Hindi na ba naisip ng diyos na hanggang ngayon hinahanap ko pa din ang kaligayahan? Kung kailan hindi ko na siya masyadong naaalala, bigla ko naman siyang makikita. Para saan? Para mabuhay na naman muli ang sakit na binigay nya sa kin?

Nagkataong bumili ako ng dalawang kape, isa para sana sa aking kaibigan na hindi pala gustong magkape. Sayang na kape, naisip ko. Hindi pa naman yun mura.

At ayun na nga, bigla ko siyang nakita. Biglang nagkaroon ng saysay ang ekstrang kape na aking binili.

Nakita ko silang saglit na nagpapahinga sa kabilang landas. Tumawid ako sa damuhan dala ang kape. At sinabi kong,

“Hi L.”

Rumehistro sa kanyang mukha ang pagkabigla. Wala siyang nagawa kundi pansinin ako at tanungin ng kamusta. Itinaas nya ang kanang braso, aktong makikipag-apir sa akin gaya ng lagi niyang ginagawa bilang pagbati sa kakilala.

Hindi ko pinansin ang pag-apir nya at sadyang umiwas. Sa isip-isip ko, wow, ano to, barkada ba kami?

Halata sa mukha nya ang pagkalito. Sa tingin ko hindi nya alam ang dapat gawin. Sa ingles, “awkward.”

Ipinakilala nya sa akin ang kanyang nobya pero hindi nagrehistro sa akin ang pangalan. Sabi ko,

“Siya pala yung gf mo.”

Ibinaling ko ang tingin sa kanya at sinabing,

“At ito naman yung bf mong asshole.”

Nagulat ang babae at nagtanong,

“Bakit naman?”

Sumagot ako,

“You wanna know the whole story?”

Agad na nagsalita ang asshole ng,

“Anong nagawa ko sayo?!”

Biglang nagdilim ang aking paningin? Ano ang nagawa nya sa akin? Pagkatapos ng lahat, may lakas siya ng loob itanong kung anong nagawa nya sa akin?

Biglang nanumbalik lahat ng sakit na aking naramdaman, lahat ng dahilan ng aking pagluha, ang mga gabing hindi ako makatulog, ang kawalan ng gana, kawalan ng pag asa, pagkawala ng tiwala sa sarili.

Anong nagawa nya sa akin? Bigla ba siyang nagka amnesia? O sadyang asshole lang siya na nakasakit na siya ng kapwa hindi nya pa alam?

Dumating siya sa buhay ko habang patuloy silang nagkikita ng kanyang ex-girflfiend ng anim na taon. Una pa lang tinanggihan ko na siya, sabi ko, ayoko ng may kahati. Ayaw niyang bitiwan “si ex” dahil baka daw maayos pa ang relasyon nila. Nasabi ko, kung ganun hindi ako dapat nasa eksena at baka hindi maayos ang dapat maayos. Pero makulit siya at nadala nya ko sa matatamis na salita, na gustung-gusto nya ko, na kesyo kahit sandali gusto nya ko maging nobya. Eto ang kasalanan ko, nagpauto naman ako. Sa loob ng tatlong buwan madalas kaming mag usap online. Pero dahil patuloy silang nagkikita ng ex nya, nagmistula akong kabit. Sa katunayan pinagbawalan nya kong itext man lang siya, baka daw kasi makita nung babae.

Pinilit ko na lang intindihin kahit nasasaktan ako. Isa daw sa mga nagustuhan nya sa akin ay matalino ako, pero sa puntong ito hindi ko pinagana ang aking utak.

Sa gitna ng pagkakaroon namin ng unawaan, at patuloy niyang pakikipag-ugnayan sa kanyang ex, panay ang kanyang papansin sa isang doktor na pareho naming kakilala. Panay ang pa-cute nya sa facebook sa doktorang ito, kahit alam nyang nasasaktan ako. Sa isang diskusyon sinabi ko sa kanya,

“Kung may choice ka naman hindi naman ako ang liligawan mo eh. Siya. Maganda na, doktor pa. Anong laban ko dun?”

Ang kanyang sagot?

“Pero wala akong pag asa dun.”

Sana sinaksak nya na lang ako sa dibdib. Para na din niyang sinabing oo.

Ito mismo ang dahilan kung bakit kahit mabait, hindi ko magawang makipagkaibigan sa doktora. Dahil nasasaktan ako sa tuwing nakikita ko siya. Madalas noon ipinapanalangin ko na putulin na sana ng doktora ang komunikasyon sa kanya, tutal mayroon naman siyang nobyo at hindi lingid sa kanya ang sakit na aking nararamdaman. Pero hindi ito nangyari. At parang napagtitripan lang ng tadhana, isa sa mga pinakamalalapit kong kaibigan ang naging malapit na kaibigan din ng doktora. Wala akong magawa. Tahimik ko na lamang tiniis ang sakit.

Ilang linggo lamang matapos niyang sabihing mahal nya ko, bigla nya akong iniwan. Marami siyang sinabing masakit isa na dun ang “Ayokong mainlove sayo, ayokong mainlove ka sa akin.” Sinabi nya ito sa panahong mahal ko na siya. Pinili niya ang dating kasintahan ng anim na taon. Marami siyang dahilan kung bakit hindi niya maiwan si ex. Kesyo, tanggap ito ng kanyang pamilya, kesyo hindi biru-biro ang anim na taon nilang pagsasama, at ang pinakamasakit nyang sinabi,

“Kahit ganun yun, di ko iiwan yun.”

Hindi ako nanggulo o naghabol, kahit daig ko pang napilayan sa sobrang sakit. Hindi ko rin maintindihan ang aking sarili. Kung tutuusin hindi naging opisyal ang relasyon namin, hindi kami madalas magkita. Sa kanya isa lang akong fling, panakip butas sa mga panahong hindi okay ang kanilang relasyon ng babaeng tinatawag nyang ex-girlfriend pero umaarte namang sila pa rin. Hindi ko kayang ipaliwanag ang nararamdaman ko, pero sigurado akong minahal ko siya.

Magmula nang tapusin nya ang lahat sa amin, may mga panahong patuloy pa din siyang nagpaparamdam. Hanggang sa nagpalibre siya ng burger. Kahit hindi ko alam kung bakit kailangan ko siya ilibre ng burger ginawa ko naman. Gusto ko kasi siyang makita. Pero matapos ang tagpong yun hindi na siya muling nagparamdam pa.

Alam mo yung pakiramdam ng namatayan? Ganun. Hindi ko na alam ang nangyari. Hindi na ko makakain. Kahit saan umiiyak ako. Sa office, sa bahay, pati sa pampublikong sasakyan. Araw na araw na ginawa ng diyos mugto ang aking mga mata. Sa gabi namamaluktot ako sa aking kama, sumasakit ang aking tiyan sa sobrang sakit ng aking dibdib, pilit kong pinipigilan ang tunog ng pag iyak dahil ayokong malaman ng mga kasama ko sa dorm ang aking pinagdaraanan.

Hanggang sa nagkaroon ako ng tinatawag na breakdown. Hindi mapigilang pagpalahaw ng iyak na madalas sundan ng pagkawala ng malay. Madalas pa itong maganap sa opisina. Hindi man nito direktang naapektuhan ang aking trabaho, malaki naman ang epekto nito sa tingin sa kin ng mga tao.

Disyembre ng 2012, inatake na naman ako ng katangahan. Hinanap ko siya sa FB at muli kaming nagkaroon ng komunikasyon. Hindi ko alam ang estado nila ng kanyang ex, pero muli kaming nagkita. Muntik pang may mangyari sa amin, kung hindi lang namin kasama yung kaibigan nya na nagkataong officemate ko pa.

Pagkatapos nun napansin kong hindi naman siya madalas magparamdam. Mukhang sex lang pala ang habol at dahil di niya makuha wala na siyang paki sa akin. Akala ko ay sila pa din ng kanyang ex girlfriend at hindi na ko nag usisa.

Inimbitahan nya akong manood sa pagtugtog ng kanilang banda. Sumama naman ako at dun palang meron na akong napansin. Habang naghihintay kami sa kanilang set, lumabas siya at matagal na nawala. Sa tingin ko may kinausap siya sa telepono.

Sa gabi ding yun, nakita kong may tinitignan siyang larawan ng isang babae sa kanyang mobile phone. Kinabahan na ako. Muli tahimik lang ako. Wala naman akong karapatang mag usisa eh. Hindi naman kami. Pero sa kilos nya akala mo meron pa kaming pag asa. Yun ang akala ko.

Nang mga sumunod na araw nakita ko sa FB ang status na ito,

“Off to where my heart belongs.”

Simpleng linya pero sapat na para mayanig ang buo kong pagkatao. Agad ko siyang inusisa sa text kung nagkabalikan na ba sila ng ex nya. Hindi raw, sagot nya, pero mas masakit ang sunod nyang sinabi,

“I’m seeing someone.”

Bago ito hindi ko alam ang kahulugan ng nadurog na puso. Sa gabing iyon, sigurado akong yun ang nangyari sa akin. Mas masakit pa ito ng milya-milya sa una niyang pag-reject sa akin. Bigla akong naliwanagan, na ang taong pinili kong mahalin, handang pumili ng ibang babae kesa sa akin. Hindi pala totoong minahal nya ako. Sana hindi nya na lang ito sinabi sa akin noon.

Matapos niya kong iwan para sa kanyang ex-girlfriend bigla siyang maghahanap ng iba? At ang malupit pa binigyan nya ko ng ilusyong may pag asa pa kami yun pala may nililigawan na siyang ibang babae?

Sa puntong iyon kahit hindi pa naman daw sila opisyal na magnobyo, pinili ko nang lumayo, subalit ayaw nya. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi kami pwede maging magkaibigan. Napatanong ako sa sarili, sadya bang manhid siya? Paano mo magagawang kaibiganin ang taong mahal mo? Paano mo makakayang makita siyang may mahal na iba. Ganun ba kababa ang pagtingin nya sa akin? Palagi niya sinasabing matalino ako, pero kung itrato nya ko para akong bobo.

Akala ko ay tapos na pero patuloy pa din siyang nagparamdam. Hindi pa naman daw siya kasal. Wow. Eh ano naman ngayon? Magpapakahirap ka bang manligaw ng isang babae para lang sa huli iba ang pipiliin mo? Gusto nya ko mag-relax. Relax?! Relax habang ikaw naghahanap ng ibang kalandian? Ano palagay nya sa akin, reserba?

Wala na akong laban. Wala na kong pwedeng gawin kundi isuko siya.

Dalawang beses inaya nya ko na may mangyari sa amin. Ito ay sa kabila ng katotohanang sinagot na siya ng kanyang nililigawan. Minsan naisip kong pumayag, wrong decision dahil bigla iba na naman ang kinakanta nya. Ilang araw lang matapos nya ko itext bigla ayaw nya na lokohin ang gf nya?

Kung tatanungin ako kung ano ang pinakapinagsisisihan ko sa aking buhay, isa lang ang sagot ko, yun ay nung minahal ko siya. Sayang ang lahat. Nanghihinayang ako sa panahong ginugol ko sa kanya. Nanghihinayang ako sa lahat ng luha, lahat ng hirap, lahat ng sakit na tiniis ko dahil sa kanya. Ito yung kwentong di ko masabing “it was all worth it.” Wala akong napala kundi sama ng loob.

Hindi niya naman kasalanan ang lahat. Kung ako sa umpisa pa lang pinagana na ang utak, hindi na sana ako nasaktan. Kung tinanggap ko lang ang tunay nyang kulay, kung ano lang ang tingin niya sa akin, hindi ko na sana pinagdaanan lahat ito. Isa ito sa rason kaya alam kong minahal ko siya. Dahil kahit anong talino ko pa, hindi ko ginamit ang aking utak.

Pagkatapos tatanungin niya ako kung anong nagawa nya sa akin? Ang ekstrang kape na akala ko’y wala nang gamit ay biglang nagkaroon ng silbi. Walang pag aalinlangan na itinapon ko ito sa kanya. Nabasa ang kanyang puting damit at sa kanyang mukha mababakas ang labis na pagkabigla. Of course he didn’t see it coming. I was always too nice to him. Hindi niya siguro kailanman naisip na kaya kong magalit sa kanya.

Sana nga magkatuluyan na sila ng kasalukuyan nyang nobya. Sana itigil niya na ang pagpapa-cute sa ibang babae. Sana ako na ang huling babaeng paaasahin niya. Ilang beses ko na tinanong sa diyos kung bakit sa dinami ng mga babae, ako pa ang trinato nya ng ganito. Naisip ko na lang, baka ako lang ang may kakayahang malampasan ito.

Iyun na siguro ang pinakasulit na 150 pesos na nagastos ko.

 

You may also like to read

22 Comments

  • Reply
    PJ
    February 28, 2014 at 6:13 PM

    I love how you write; no frills or inhibitions, just how it flows out of you.

  • Reply
    Mr. Tripster
    January 17, 2014 at 9:15 PM

    I hate men. Really. Unlike women who easily register memories in their brain through emotional searing, men can't think through because everything is registered in those two sacs of balls. You could have helped him remember everything by kicking his balls mercilessly, then crush them the way you would crush little insects. Paano ka nabulag sa lahat? Hindi kita masisisi. Ang mga taong matalino, sa pag-ibig madalas bobo. It's not really your fault.

    Pero napaka immature talaga ng gagong yon. I don't want to say sorry on behalf of all the men in the world. I don't want to belong to that brotherhood of mentally-challenged douchbags. I'm not saying i want to be a woman (Lord have mercy, for I wouldn't know how to handle hormones and menstruation!). I just don't want to identify myself to that pack of humanoids whose contribution to the world is their sperm and horniness and the joys a penis can give.

    Anyway, you're a smart and beautiful woman. Move on. You live, you learn. Now you're wiser, and you've proven to be braver. Did the coffee incident conveyed that you're a stronger person in every meaning of the word? Who cares? That was the ultimate revenge. You are human. You could've done humanity a favor by killing the bastard, unfortunately it is illegal.

    And as for his new girlfriend. Well, it's either she's blinded by “love” or she's a serious case of a woman who underwent lobotomy.

  • Reply
    Olivr
    January 17, 2014 at 3:19 AM

    love is indeed a battlefield, but we have to always choose which battles to fight. At minsan, mas pinipili nating lumaban dun sa mga pagkakataong alam naman nating talo tayo, umpisa pa lang. Maswerte yung mga nasa katinuan habang nagmamahal. Pero mas mapalad yung mga taong di kayang mag-isip ng diretso habang nasa impluwensya ng pag-ibig, dahil pagkatapos ng lahat, naskatan na ang nasaktan at nagkabuhusan ng kung ilang tasang kape man yan, masasabi mong nanalo ka sa isang bagay– alam mong ikaw ang tunay na nagmahal at di mo ipinagkait sa sarili mo yung isang uri ng kaligayahang hindi lahat ng tao ay nakakamit sa buong buhay nila. Konting tatag pa! πŸ™‚

  • Reply
    KULAPITOT
    January 16, 2014 at 12:38 AM

    Clap clap!!! Buti nga!

    Yan ang napapala ng mga paasa!

    Go marge!

  • Reply
    Gracie
    January 14, 2014 at 8:06 PM

    Yey, sa wakas nakapaghigante ka… salamat sa ekstrang kape! Napagod ako sa sitwasyon mo at sa pinaggagawa nya, buti nalang narealized mo sa huli na di talaga sya deserving ng pagmamahal mo. At least ngayon, maingat ka na sa pagpili ng taong mamahalin mo hindi ba? Sana lang dumating na yung deserving one para sayo πŸ™‚

  • Reply
    Geosef Garcia
    January 14, 2014 at 7:06 AM

    Wow. Dahil dito, tumaas lalo ang respeto ko sayo Marge. Sana may magandang kapalit ang lahat ng dinanas mo sa kanya.

  • Reply
    Diwata Luna
    January 13, 2014 at 3:39 PM

    May nabasa ako dati, sabi niya after siya -ibreak ng nobya niya, nagsulat siya buong gabi at sumali siya sa isang writing contest. Vengeance niya? Nanalo siya sa contest. maybe may mas sweet pa sa kapeng yan. πŸ˜‰

  • Reply
    Senyor Iskwater
    January 12, 2014 at 1:54 PM

    Binasa ko ng buo kahit alam ko na ang nangyari. I like the realization na at the end of the day, u know na binihay sau yang pagsubok na yan dahil kaya mo. Alam mo na sasabihin ko. Hug na lang! Mwah

  • Reply
    Arni @ Travel Gourmande
    January 12, 2014 at 8:25 AM

    Sana nakaputi sya na shirt nung binuhos mo yung mainit na kape. It helps to let your anger and pain out. Hope you feel better soon.

  • Reply
    Hi! I am LiLi!
    January 12, 2014 at 7:08 AM

    Amen!

  • Reply
    Joy
    January 12, 2014 at 5:57 AM

    Hirap talaga pag umibig sa maling guy. Buti tinapos mo na. Maka recover ka din. Think na he is not worth your tears. The best is yet to come to you.

  • Reply
    michymichymoo
    January 12, 2014 at 5:46 AM

    I was hoping extra hot yung binuhos mong kape. The guy really deserves it. Sana magawa ko rin yan sa huling lalaking nagpaiyak sa kin pag nakita ko sya. Good thing you didn't end up with him at baka nasaktan ka lang lalo. You deserve somebody better.

  • Reply
    Diane Writes
    January 12, 2014 at 5:07 AM

    Kung sa soap opera or sa movie nangyari 'to typical lang… at first akala ko you wrote some literary piece… nung humahaba na ay sh*t totoong buhay na pala.. at shempre ibang iba ang lahat kapag totoong buhay na..

    Bilib ako sa tapang at pinagdaanan mo!

  • Reply
    June | Life and Spices
    January 12, 2014 at 1:03 AM

    You are such a beautiful person Marge kahit di pa kita namimeet. I never though such thing happened to you. Or an asshole would do such thing to you. Wag mo sisihin sarili mo. You did your part because you know how to love. And if the guy was an asshole all along, don't worry, karma's a bitch.

  • Reply
    Pao Kun
    January 12, 2014 at 12:27 AM

    Ako na ang humahanap ng tags and labels!

    Sabi nga, “Ang taong matalino, pagdating sa pag ibig nagiging bobo.”

    A moment of silence bilang gusto nya makipag sex sa iba dahil sinagot na sya ng nililigawan nya. Then LOL after.

  • Reply
    Jei Son
    January 12, 2014 at 12:19 AM

    sakit naman. buti nalang walang nangyari sa inyo.
    talagang bumalik lahat ng sakit kasi very detail ung pagkasulat ng ibat ibang kalokohan ng boy.

    kaya lang hinihintay ko ung mala Cherie Gil na line before sinabo ung kape. may ganun ba? lols

    don't you worry Marge. ur beautiful inside and out. makakahanap ka din ng matinong lalaki soon.

  • Reply
    FiftyShadesOfQueer
    January 11, 2014 at 11:34 PM

    Nanlamig ang kamay ko sa sobrang inis sa guy. What does he think of himself? God's gift to women?

    Let's just thank God that you're saved from him.

    I hope hot coffee nga pala inorder mo. Para mas malakas palo. :3

  • Reply
    yccos
    January 11, 2014 at 8:05 PM

    Dahil kahit anong talino ko pa, hindi ko ginamit ang aking utak.— buwisit! Haha..

    Pero finally, I think, this time you're all free from the haunting, hurtful and stupid past. let the feeling flow. Let that warm coffee flow on his shirt.. Sayang, sana lang maiinit masyado, para ramdam nya yung paso na kulang pa sa kung anong sakit ang idinulot nya. At sana nga magtanda na sya.

  • Reply
    Too Young To Feel This Old
    January 11, 2014 at 5:36 PM

    Bravo. Sometimes vengeance is better served piping hot.

  • Reply
    Cyron Agustin
    January 11, 2014 at 5:18 PM

    hindi ko lang talaga maimagine ang reaksyon ng nobya nya nung ginawa mo 'to.

    pero habang binabasa ko ito, marami sumagi sa isipan ko na kailangan ko na talagang tigilan ang mga malanding gawain ko kung ayaw ko matulad sa kupal na'to.

    pero paano kung imbes na kape ang binuhos mo at sampal ang tumama sa makapal nyang mukha, pano na lang talaga?

    hindi ko lang maimagine ang haba ng poste na ito kung nagkataon.

  • Reply
    akoysi MEcoy
    January 11, 2014 at 5:17 PM

    sarap kotongan ng taong yan ahh!
    nakakabwisit! well the good thing about this ee you've learned to
    let go of a trash, you deserve someone better, but for now, naiintindihan ko
    ung galit mo

  • Reply
    Lalah
    January 11, 2014 at 4:59 PM

    this is good u let it out. keep on talking to ur friends as much as possible sis. i appreciate u for being so strong now, for facing him. hindi man kau patas sa sakit na pinagdaanan, sa kanya init lang ng kape sau buong pagkatao mo, but be thankful pa rin na nangyari ang mga bagay na ito. this will help u prepare sa future mo. just dont stop loving, dont forget also sis the “self-worth” at nakikita ko na yan ngayon sa ginawa mo sa kanya.

    also, sometimes kailangan natin harapin yong taong nakakasakit satin to learn and stand. nakakatulong din yon actually sis. dont worry in time, matatapos din lahat ng to. carry on at hold on to ur faith and what u believe in! πŸ™‚

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

css.php